Saturday,March 25, 2006...Satam31UTC +00:0020064831UTC25:

Isang Tula ng Pag-ibig Para sa Aking Iniibig

Jump to Comments

Naghuhumiyaw ang Langit sa bawat pagpatak ng kanyang mga luha sa karagatan,
Hindi niya mawari kung ano ang kanyang nararamdaman,
Malulungkot ba siya o masisiyahan?
Nasaan na ang Araw na kani-kanina lamang ay masayang kapiling niya?

Nagpalinga-linga siya sa kanyang paligid.
May pinupunterya ang kanyang mga mata,
Unti-unti niyang hinawi ang Ulap na nakatakip sa isang Bagay!
Bagay nga bang matatawag ‘yun?

Pagbungad ng kanyang namumugtong mata sa Bagay na ‘yun ay saka lamang niya napagtanto kung ano ito!
Isang Bituin pala ang nagtatago sa likod ng mga Ulap.
Nguni’t bakit nag-iisa lamang ang Bituin?
Nasaan ang mga kasamahan nito?

Nagugulumihang lumapit sa kinaroroonan ng Bituin ang Langit.
Naglakas-loob siyang tanungin ito kung alam niya ang kinaroroonan ng Araw.
Nguni’t umiiwas ang mga mata ng Bituin.
Sasabihin kaya nito sa kanya ang totoo?

Apat na oras na siyang naghihintay ng sagot ang Langit.
Nguni’t hindi pa rin umiimik ang Bituin.
Nagngigitngit na ang kanyang damdamin.
Bakit kaya ayaw sumagot ng Bituin sa kanya,
Balot ng kabiguan, lupaypay na umalis ang Langit sa harap ng Bituin.
Wala siyang napala dito.

Sa kanyang paglalakad sa kalawakan
Nakita niya ang isang bulalakaw.

Hinabol niya ito para tanungin kung nasaan ang Araw.

Pagod na pagod na siya sa kakasunod sa Bulalakaw,

Nguni’t hindi pa rin siya pinpansin nito.

Hindi niya batid kung bakit nagmamadali ang Bulalakaw.

Saan kaya ito patungo?

Sa muling paglingon ng Langit sa Bulalakaw ay nakita niyang bumubulusok ito.

Ngayon, batid na niya kung saan ito pupunta.

Pupunta ang Bulalakaw sa Kaharian ng mga Tao!

Nguni’t ano naman ang kanyang mapapala doon?

Doon kaya nagtatago ang Araw?

Kitang-kita ng Langit ang lugar na kinabagsakan ng Bulalakaw.

Labis ang kanyang pasasalamat sapagkat hindi tinamaan ng isang Taong nakaupo sa isang napakalaking bato.

Biglang nabuhayan ng loob ang langit.

Napag-isip-isip niyang baka alam nito kung saan nagtatago ang Araw.

Tatanungin niya ang Tao.

Nguni’t bakit parang malungkot ang lalaking nakaupo?

Tinitigang maigi ng Langit ang mukha ng Tao.

Napatigil siya bigla!

Umiiyak nga ba ang lalaking iyon sa may bato?

Bakit siya nag-iisa?

Bakit siya naghihinagpis?

Muli niyang pinagmasdan ang lalaki.

Pula ang kanyang damit na basang-basa na ng kanyang Luha.

Nag-isip bigla ang Langit.

At bigla siyang napatanong sa kanyang sarili:

“Umiibig din kaya ang Taong ‘yun sa may bato?

May hinahanap din kaya siya tulad ng paghahanap ko sa Araw?”

 

37 Comments


Leave a Reply